MANILA, Philippines — Ito ang pagkakataong hindi dapat pakawalan ng nagdedepensang TNT Tropang Giga.
Hawak ang 3-2 lead sa kanilang championship series, pilit na tatapusin ng TNT ang Barangay Ginebra sa Game Six ng Season 49 PBA Governors’ Cup Finals ngayong alas-7:30 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.
Inangkin ng Tropang Giga ang Game One, 104-88, at Game Two, 96-84, bago inagaw ng Gin Kings ang Game Three, 85-73, at Game Four, 106-92, para itabla sa 2-2 ang kanilang best-of-seven titular showdown.
Matapos ang two-day break ay dinomina ng TNT ang Ginebra sa Game Five, 99-72, noong Miyerkules para sa 3-2 bentahe at makalapit sa pagkopo sa pang-10 titulo.
“At this point in the series, there’s very little each team can do na bago eh,” ani Tropang Giga coach Chot Reyes. “It’s just a matter of being able to play better, play harder and execute more efficiently.”
Target din ng 61-anyos na si Reyes ang kanyang ika-10 korona bilang coach.
Nilimitahan ng depensa ng PLDT franchise si Gin Kings’ import Justin Brownlee sa kanyang career-low na walong puntos mula sa masamang 3-for-13 field goal shooting.
Hindi rin pinaporma ng TNT ang Ginebra sa second period matapos kunin ang 23-point lead, 56-33, mula sa 26-20 abante sa first quarter patungo sa pagtatala ng 79-48 bentahe sa third canto.
Wala nang ibang iniisip ang Gin Kings kundi resbakan ang Tropang Giga para makapuwersa ng ‘winner-take-all’ Game Seven sa Linggo.
“Our backs are to the wall and we have to come out with a little bit of desperation in Game Six,” sabi ni Ginebra mentor Tim Cone.