MANILA, Philippines — Handa na ang defending champion Far Eastern University Cheering Squad (FEUCS) na ipagtanggol ang kanilang korona sa 2024 UAAP Cheerdance Competition na hahataw sa Disyembre 1 sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Base sa isinagawang drawing of lots kahapon sa Press Center ng MOA Arena, pinakahuling magpe-perform ang FEU Cheering Squad.
“Happy kasi ‘yun ‘yung gusto namin [to perform eighth]. Kasi sa nine years ko sa CDC, hindi pa ko nag-eighth. Lagi akong fourth, fifth, sixth, o seventh, naglalaro lang do’n, but never eighth. Siguro si God na nagbigay ng hiling namin this time,” ani FEUCS head coach Randell San Gregorio.
Unang masisilayan ang Ateneo de Manila University Blue Eagles kasunod ang University of the East Pep Squad at ang eight-time champion University of Santo Tomas Salinggawi Dance Troupe.
Pinakahuli sa first half ang Adamson University.
Sisimulan ang second half ng season host University of the Philippines Pep Squad kasunod ang powerhouse National University Pep Squad na desididong mabawi ang korona nito.
Ikapitong magpapakitang gilas ang De La Salle Animo Squad bago ang inaabangang title-defense ng FEU Cheering Squad.