PVL maghihigpit sa mga sister teams

MANILA, Philippines — Inaasahang matitigil na ang lipatan at palitan ng mga players sa pagitan ng mga sister teams sa Premier Volleyball League (PVL) bago matapos ang taon.

Ayon kay PVL Commissioner Sherwin Malonzo, pinaplantsa na nila ang mga patakaran para matigil na ang nasabing ginagawa ng ilang koponan.

“We’re revising the rules, some members kailangan kapag sister team bawal period. Kaso ‘yung take naman ng iba is kawawa naman,” ani Malonzo. “Kunwari bawal siya lumipat sa sister team, eh paano kung walang ibang team na kumuha kay player.”

Ang pinakahuling lipatan sa pagitan ng sister teams ay ang pagdadala ng Farm Fresh kina Kate Santiago, Joan Narit at Chinnie Arroyo sa ZUS Coffee.

Nilinaw ng Foxies na tapos na ang kontrata ng tatlo kaya maaari silang lumipat sa Thunderbelles.

“Dahil hindi pa implemented ‘yung showcase rule, hindi muna namin ginalaw, inallow muna namin,” wika ng PVL Commissioner sa nasabing isyu.

Sa ipapatupad na patakaran ay maaari lamang lumipat ang isang player sa sister team ng kanyang mother ballclub kung wala sa kanyang kukuha sa loob ng 15-day grace period.

Nauna nang nagkaroon ng palitan o lipatan sa mga sister teams ang pagdadala ng Choco Mucho kina Bea de Leon at Denden Lazaro-Revilla sa Creamline.

Matapos ito ay ibinigay naman ng Akari sina Dindin Santiago-Manabat, Trisha Genesis, Bang Pineda at Roselle Baliton sa Nxled kapalit nina Ivy Lacsina, Dani Ravena, Kamille Cal at Camille Victoria.

Nakatakdang magbukas ang 2024-25 PVL All-Filipino Conference sa Sabado sa Philsports Arena sa Pasig City.

Show comments