Alas bagsak sa qualifiers ng Asian Senior Beach Volleyball Championships

Yumukod sina Pinoy bets Ronniel Rosales at Edwin Tolentino kina Salemiinjehboroun Bahman at Khakizadeh Abolhassan ng Iran, 8-21-8, 10-21, sa men’s qualification tournament.
STAR/File

MANILA, Philippines — Kabiguan ang sinapit ng dalawang Alas Pilipinas teams sa Asian Senior Beach Volleyball Championships kahapon sa Nuvali Sand Courts sa City of Santa Rosa.

Yumukod sina Pinoy bets Ronniel Rosales at Edwin Tolentino kina Salemiinjehboroun Bahman at Khakizadeh Abolhassan ng Iran, 8-21-8, 10-21, sa men’s qualification tournament.

Apat na open spots ang pinaglalabanan ng 15 koponan para sa 24-team main draw ng torneong inorganisa ng Philippine National Volleyball Federation na pinamumunuan ni Ramon “Tats” Suzara, pangulo rin ng Asian Volleyball Confederation.

Talo naman sina Pinay spikers Alexa Polidario at Jen Gaviola kina Kaize Josephine Selvina Anasthasya at Melinda Novita Sari Devi ng Indonesia, 23-21, 21-15.

Apat na tiket sa women’s main draw ang pinag-aagawan sa seven-team qualifying round.

May dalawang tropa ang Pilipinas sa men’s main draw at dalawang koponan sa women’s main draw.

Magkatambal sina Southeast Asian Games bronze medalists Ran Abdilla at James Buytrago, habang kasama ni Rancel Varga si Lerry John Francisco.

Medalya din ang target nina Khylem Progella at Sofiah Pagara katulad nina Kly Orillaneda at Gen Eslapor.

Sa iba pang men’s matches, wagi sina Vietnamese Nguyen Thanh Sang at Nguyen Hoang Long kina Chong Keiloi at Wong Yingcheung ng Hong Kong, 21-17, 21-16.

Tinalo nina Kazakhstan duo Mokhammad Abdulmajid at Ryukhov Klim sina Chinese Yuan Liu and Yuan Mao, 23-21, 21-12, habang dinaig nina Al-Jalbubi Nouh at Alshereiqi Haitham ng Oman sina Vietnamese Doan Gia Luan at Le Hoang Y, 18-21, 21-14, 15-13.

Show comments