MANILA, Philippines — Gumagawa ng ingay sa Japan B.League ang dalawang Gilas Pilipinas standouts na sina AJ Edu at Kai Sotto matapos magpasiklab sa kani-kanyang koponan doon.
Nangunguna si Edu sa blocking department nang magtala ito ng 1.9 blocks kada laro para sa Nagasaki Velca.
Kasalukuyang may 6-5 rekord ang Nagasaki para okupahan ang ikatlong puwesto sa West Division ng liga.
Sa kabilang banda, maganda rin ang inilalaro ni Sotto para sa Koshigawa Alphas kung saan may 10.0 rebounds ito kada laro para okupahan ang ikaapat na puwesto sa rebounding department.
Mayroon ding 1.2 blocks kada laro ang 7-foot-3 Pinoy cager para sa ikalimang puwesto habang nagtala rin ito ng average na 12.5 points per game.
Nakatakdang bumalik sa Pilipinas sina Edu at Sotto para makasama ang Gilas Pilipinas sa kampanya nito sa FIBA Asia Cup Qualifiers na idaraos sa Nobyembre 21 at 24 sa MOA Arena sa Pasay City.
Impresibo rin ang ipinapamalas ni Bobby Ray Parks Jr. para sa Osaka Evessa. Nagsumite si Parks ng average na 17.8 points kada laro para makuha ang No. 11 spot sa scoring department.
Nasa ika-22 naman si Matthew Wright ng Kawasaki Brave Thunders sa assists bunsod ng average nitong 4.1 kada laro.