MANILA, Philippines — Umaasa ang Chery Tiggo na mareresolbahan ang kanilang isyu sa kontrata ni Eya Laure bago magsimula ang 2024-25 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference.
Sinabi ni Crossovers’ team manager Aaron Velez na kasalukuyan pa rin silang nakikipag-usap kay Laure.
“Status lang namin ngayon kay Eya Laure -- it’s still under negotiation. Hopefully we could actually resolve this amicably,” ani Velez. “Of course we look after also ‘yung welfare ni Eya and hopefully ma-resolve nga ito ng meet halfway for both parties.”
Huling naglaro ang 25-anyos na outside hitter sa nakaraang 2024 All-Filipino Conference, ngunit hindi nakita sa aksyon sa Reinforced Conference dahil sa kanyang pagiging Alas Pilipinas member.
Sinabi ng produkto ng University of Santo Tomas na gusto na niyang iwanan ang Chery Tiggo kagaya ng ginawa ng kanyang ate na si EJ kasama si Buding Duremdes.
Ang buyout o ang pagbili sa kontrata ni Laure sa Crossovers ang solusyon para makapaglaro siya sa ibang PVL team.
“As mentioned nga, because of the non-disclosure of any contract, I can’t really say the entire clause, rest assured it was also read before and it was also discussed,” ani Velez.
Magbubukas ang PVL All-Filipino Conference sa Sabado sa Philsports Arena sa Pasig City.