MANILA, Philippines — Magarbong tinapos ni Karl Eldrew Yulo ang ratsada nito matapos humakot ng tatlo pang gintong medalya sa 3rd JRC Artistic Gymnastics Championships sa Bangkok, Thailand.
Sa huling araw ng kumpetisyon ay nakalikom pa si Yulo ng gintong medalya sa Men’s Artistic Gymnastics (MAG) Junior individual all-around event, floor exercise, still rings at vault.
Maliban sa ginto, nakasungkit pa ang 16-anyos PInoy gymnast, nakababatang kapatid ni Paris Olympics double gold medlaist Carlos Edriel, ng pilak sa parallel bars.
Sa kabuuan ay may apat na ginto at dalawang pilak si Yulo para malampasan ang kaniyang performance sa naturang torneo noong nakaraang taon.
Nakasikwat si Yulo ng ginto sa men’s all-around event habang bahagi ito ng men’s team na nakapilak sa opening day.
Hataw din ang ibang miyembro ng team kung saan nagbulsa sina Jacob Alvarez, Andrei De Leon, Prince Sumabal, Chelsea Lynn Hong at Ma. Elizabeth Medina ng medalya sa kani-kanilang events.