MANILA, Philippines — Winalis ng nagdedepensang National University at University of Santo Tomas ang kanilang mga nakatunggali upang kumpletuhin ang Final Four cast ng 2024 Shakey’s Super League collegiate pre-season championship sa Rizal Memorial Coliseum noong Linggo.
Nagsanib-puwersa sina veterans Bella Belen at Alyssa Solomon para akbayan ang may tangan na ‘twice-to-beat’ advantage na Lady Bulldogs kontra sa University of the Philippines Lady Maroons, 25-12, 25-22, 25-17, sa quarterfinals.
Napalaban nang todo ang Lady Bulldogs sa Fighting Maroons sa second set, pero sa third frame ay hinarurot na nila ang kalaban upang harapin sa semis ang unbeaten Far Eastern University.
“Ayaw naming ma-waste ‘yung pinaghirapan namin sa training,” sabi ng reigning tournament MVP na si Solomon.
Inaabangan ng mga volleyball fans ang paghaharap muli ng NU at FEU.
Tumikada si Kassandra Doering ng 10 markers para sa UP na lalaro sa classification round sa event katuwang ang Smart Sports, PLDT Fibr, Mikasa, Asics, Rebel Sports, Eurotel, Victory Liner, Commission on Higher Education (CHED), Philippine Sports Commission (PSC), at SM Tickets bilang technical partners.
Samantala, pinatalsik ng Golden Tigresses ang University of the East, 25-22, 25-21, 25-21, para harapin sa semis ang De La Salle University.