MANILA, Philippines — May dagdag na naman sa kanyang koleksyon si San Miguel star center June Mar Fajardo.
Hinirang si Fajardo bilang Best Player of the Conference ng Season 49 PBA Governor’s Cup bago ang upakan ng nagdedepensang TNT Tropang Giga at Barangay Ginebra sa Game Four ng kanilang championship series kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Ito ang PBA record na pang-11 BPC trophy ng eight-time PBA Most Valuable Player winner bukod sa bonus na P50,000 galing sa sponsor.
Si Fajardo ang ikalawang BPC winner na hindi naglaro sa PBA Finals matapos si Christian Standhardinger noong 2019 Governors’ Cup.
Naglista ang 6-foot-10 Cebuano giant ng 44.8 statistical points mula sa kanyang mga averages na 21.0 points, league-best 16.3 rebounds, 3.1 assists at 1.0 blocks sa 21 games.
Tinalo ni Fajardo para sa highest individual honor ng torneo sina Arvin Tolentino ng NorthPort, Robert Bolick ng NLEX, CJ Perez ng SMB at sina Japeth Aguilar at Scottie Thompson ng Ginebra.
Samantala, hinirang si Rondae Hollis-Jefferson ng TNT bilang Best Import matapos ungusan si Justin Brownlee ng Ginebra.
Ito ang ikalawang Best Import award ng dating NBA player matapos ang pinaghariang 2023 Governors’ Cup kung saan tinalo ng Tropang Giga ang Gin Kings, 4-2, sa title series.
Tumipa si Hollis-Jefferson ng 57.4 sps mula sa kanyang mga averages na 28.0 points, 12.9 rebounds, 6.4 assists, 2.9 steals at 1.9 blocks para sa TNT.
Tumanggap din si RHJ ng P50,000 mula sa sponsor.