MANILA, Philippines — Nasungkit ng Team Philippines ang overall title tangan ang 11 gintong medalya sa ICF Dragon Boat World Championships na ginanap sa Puerto Princesa Baywalk sa Palawan.
Sa huling araw ng bakbakan, nagbulsa ang Pinoy paddlers ng dalawang ginto, limang pilak at dalawang tansong medalya para matamis na angkinin ang pangkalahatang kampeonato.
Sa kabuuan, may 11 ginto 20 pilak at 16 tanso ang Pinoy squad.
Pumangalawa lamang ang Southeast Asian powerhouse Thailand na may walong ginto habang ikatlo naman ang AIN (Individual Neutral Athlete) squad na may anim na ginto, tatlong pilak at tatlong tansong medalya.
Pinagharian ng Pinoy squad ang masters mixed 20-seater standard boat 500-meter race sa bilis na dalawang minuto at 6.34 segundo para pataubin ang Singapore (2:06.73) at Germany (2:07.98).
Wagi rin ng ginto ang Team Philippies sa 40+ 20-seater women’s 2,000-meter standard boat event (10:42.31) kontra sa runner-up Canada (10:48.64).
Galing naman ang pilak sa 20-seater mixed standard boat 500-meter (1:58.13), 40+ 10-seater mixed 500-meter (2:19.45), 20-seater open (9:23.16) at 40+ 20-seater open 5,000-meter (9:34.47) races.