UP ibubulsa ang bonus vs NU

MANILA, Philippines — Sasandalan ng University of the Philippines sina Francis Lopez at Quentin Millora-Brown pagharap nila sa naghihingalong National University sa UAAP Season 87 collegiate men’s basketball tournament na lalaruin sa UST Quadricentennial Pavilion ngayong araw.

Nagsisimula ang laba­nan ng UP at NU sa alas-3:30 ng hapon pagkatapos ng bakbakan sa pagitan ng University of the East at Far Eastern University sa alas-12 ng tanghali.

Napahaba ng last year’s runner-up UP ang kanilang winning streak sa tatlo matapos silang akbayan sa opensa nina Lopez na kumana ng 20 points, limang rebounds at tig-isang steal at block at Millora-Brown na nirehistro ang 11 markers, 10 boards at isang block.

Tangan ng UP ang 9-1 card, solo nila ang second spot sa team standings habang nasa tuktok ang defending champion De La Salle University na may 10-1 karta.

Nasa pangatlo ang UE tangan ang 6-4 baraha habang pang-apat ang University of Sto. Tomas na may 5-6 card.

Impresibo ang panalo ng UP sa kanilang hu­ling laro kung saan ay tinambakan nila ang tropa ni head coach Tab Baldwin na Ateneo de Manila University, 75-47.

Pero kahit nadomina ng Fighting Maroons ang Blue Eagles ay malaki ang respeto ni UP mentor Goldwin Monteverde kay Baldwin.

Maliban kina Lopez at Millora-Brown, huhugot din ng puwersa ang Fighting Maroons kina Jacob Bayla at Reyland Torres.

Show comments