BPC award walang kawala kay Fajardo
MANILA, Philippines — Bago ang bakbakan ng nagdedepensang TNT Tropang Giga at Barangay Ginebra sa Game Four ng Season 49 PBA Governors’ Cup Finals ay papangalanan muna ang Best Player of the Conference at Best Import bukas sa Smart Araneta Coliseum.
Bumabandera sa BPC race si eight-time PBA Most Valuable Player June Mar Fajardo ng San Miguel na nagposte ng 44.8 statistical points mula sa kanyang mga averages na 21.0 points, league-best 16.3 rebounds, 3.1 assists at 1.0 blocks sa 21 games.
Napipintong maidagdag ng 34-anyos na Cebuano giant sa kanyang mga koleksyon ang ika-11 BPC trophy.
Sibak si Fajardo at ang mga Beermen sa Gin Kings, 4-2, sa kanilang best-of-seven semifinals series.
Nakatakda ang awarding ceremony bago ang upakan ng TNT at Ginebra para sa Game Four ng PBA Finals sa alas-7:30 ng gabi sa Big Dome.
Karibal ng 6-foot-10 center para sa BPC award sina Arvin Tolentino ng NorthPort, Robert Bolick ng NLEX, CJ Perez ng SMB at sina Japeth Aguilar at Scottie Thompson ng Ginebra.
Inupuan ni Tolentino ang No. 2 spot sa kanyang 37.5sps sa likod ng mga averages na 23.7 points, 8.3 rebounds at 4.3 assists para sa Batang Pier.
Samantala, nangunguna si one-time winner Rondae Hollis-Jefferson ng TNT sa agawan sa Best Import award.
Bumira ang dating NBA player ng 57.4sps mula sa kanyang mga averages na 28.0 points, 12.9 rebounds, 6.4 assists, 2.9 steals at 1.9 blocks para sa Tropang Giga.
Sumusunod sa kanya si three-time awardee Justin Brownlee ng Ginebra na may 50.9sps sa likod ng mga averages na 28.3 points, 9.2 rebounds, 5.8 assists, 1.6 steals at 1.5 block shots sa panig ng Gin Kings.
- Latest