MEMPHIS -- Nagtala si star guard Ja Morant ng triple-double na 26 points, 14 assists at 10 rebounds para sa 122-99 paggiba ng Grizzlies sa Milwaukee Bucks.
Nagdagdag si center Santi Aldama ng 19 points at 9 rebounds habang umiskor sina Scotty Pippen Jr. at Jaylen Wells ng tig-16 points para sa Memphis (3-3) na tinapos ang two-game losing skid.
Pito pang players ang tumapos sa double figures.
Binanderahan ni Giannis Antetokounmpo ang Milwaukee (1-4) sa kanyang 37 points at 11 rebounds, samantalang nag-ambag sina Brook Lopez at Bobby Portis Jr. ng 12 at 11 markers, ayon sa pagkakasunod.
Bagsak ang Bucks sa kanilang ikatlong sunod na kamalasan.
Sa Dallas, kumamada si Fil-Am Jalen Green ng 23 points at 12 rebounds at nagposte si Alperen Sengun ng 17 points at 12 boards sa 108-102 paggupo ng Houston Rockets (3-2) sa Mavericks (3-2).
May 17 points din si Dillon Brooks para sa Houston na nakahugot kay Tari Eason ng 15 markers mula sa bench.
Pinangunahan ni Luka Doncic ang Dallas sa kanyang 29 points, kasama ang 15 sa fourth quarter.
Sa San Antonio, humakot si Victor Wembanyama ng 25 points at 9 rebounds para pamunuan ang San Antonio Spurs (2-3) sa 106-88 paggiba sa Utah Jazz (0-5).
Binanderahan ni Collin Sexton ang Jazz (0-5) sa kanyang 16 points habang naglista si John Collins ng 14 points at 11 rebounds.
Sa Inglewood, nagpaputok si Devin Booker ng 40 points habang nagdagdag si Kevin Durant ng 18 markers sa pagbangon ng Phoenix Suns (4-1) mula sa isang 21-point deficit para agawin ang 125-119 panalo sa Los Angeles Clippers (2-3).