MANILA, Philippines — Muing ginamit ng nagdedepensang TNT Tropang Giga ang kanilang depensa para itayo ang 2-0 lead sa Season 49 PBA Governors’ Cup Finals.
Kumolekta si import Rondae Hollis-Jefferson ng 37 points, 13 rebounds at 7 assists para gabayan ang Tropang Giga sa 96-84 pagdispatsa sa Ginebra Gin Kings sa Game Two ng kanilang championship series kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Nauna nang inangkin ng TNT ang Game One, 104-88, para ikasa ang 2-0 bentahe sa kanilang best-of-seven titular showdown ng Ginebra.
Umarangkada ang Tropang Giga sa fourth quarter para ilista ang 91-81 abante sa huling 3:25 minuto galing sa three-point shot ni Hollis-Jefferson matapos dumikit ang Gin Kings sa 77-83.
Kumpara sa Game One ay naging agresibo sa opensa at depensa ang Gin Kings para itayo ang isang 10-point lead, 21-11, bago humataw ang TNT ng 19-4 atake sa likod ni Hollis-Jefferson at agawin ang 30-25 bentahe sa 8:26 minuto ng second period.
Ang triple ni Calvin Oftana ang nagbigay sa Tropang Giga ng 46-37 kalamangan sa Gin Kings sa huling 1:41 minuto bago ang halftime.
Bukod kay RHJ, nakahugot rin si coach Chot Reyes ng kontribusyon kay Glenn Khobuntin na umiskor ng 10 points sa first half kasama ang dalawang tres.
Samantala, tuluyan nang nagretiro si Meralco import Allen Durham na bigong mabigyan ng PBA crown ang Bolts sa kanyang limang beses na paglalaro sa prangkisa.
Nakatakdang umuwi sa America ang 36-anyos na three-time PBA Best Import ngayong araw para makapiling ang kanyang pamilya.