Obiena fully recovered na

MANILA, Philippines — Handa na ulit na makipagbakbakan si two-time Olympian EJ Obiena.

Ito ay matapos makarekober sa kanyang back injury na iniinda sa nakalipas na mga buwan.

Ayon sa kanyang post sa social media, nabigyan na ito ng clearance para muling makasalang sa ensayo para sa mga susunod na laban nito.

Galing ang go-signal kay Dr. Alessandro Napolo na siyang nagbabantay sa kalagayan ni Obiena.

“Some exciting news I want to share with you all. I’m officially cleared by Dr. Alessandro Napolo and have fully recovered from my lower back injury,” ani Obiena.

Matatandaang hindi nakapagpartisipa si Obiena sa ilang malalaking international tournaments dahil sa naturang back injury.

Hindi rin natuloy ang plano sanang international pole vault competition nito sa Makati noong Setyembre na magtatampok sana sa malalaking pole vaulters sa mundo kabilang na si world No. 1 Mondo Duplantis ng Sweden.

Nagpasalamat si Obiena sa lahat ng sumuporta sa kanya partikular na sa mga nanalangin para sa mabilis nitong paggaling.

Nangako ito na magiging handa ito para sa mga susunod na laban na haharapin nito sa 2025 season.

“Thank you to everyone who supported me during this journey. I have been MIA (missing in action) here because I have been focusing myself on getting back into shape and be ready by January! Here’s to the start of the 2025 season,” ani Obiena.

Nagtamo si Obiena ng lower back injury kung saan fractured ang L5 vertebra nito para tuluyan nang tapusin ang kanyang 2024 season upang makapagpahinga.

Show comments