BEST tankers humakot ng 7 ginto sa Tokyo
MANILA, Philippines — Magarbong tinapos ng Behrouz Elite Swimming Team (BEST) ang kampanya nito hawak ang kabuuang pitong gintong medalya sa pagtatapos ng 2024 Buccaneer Invitational Swimming Championships na ginanap sa St. Mary’s International School swimming pool sa Tokyo, Japan.
Sa huling araw ay humakot pa ang mga Pinoy tankers ng dalawang ginto, dalawang pilak at walong tansong medalya.
Muling rumatsada si Behrouz Mohammad Madi Mojdeh nang masiguro nito ang gintong medalya sa boys’ 13-14 100m breaststroke matapos ilista ang 1:12.92.
Pinataob nito sina Kenjiro Koya (1:13.08) at Kenny Schamisso (1:13.16) na nagkasya sa pilak at tansong medalya, ayon sa pagkakasunod.
Nagdagdag pa si Mojdeh ng dalawang tansong medalya sa 200m butterfly (2:22.96) at 200m Individual Medley (2:21.68).
Ito ang ikalawang gintong medalya ni Mojdeh matapos manguna sa 200m breaststroke sa opening day.
Hindi rin nagpaawat si Kristian Yugo Cabana na sumiguro pa ng ginto sa boys’ 13-14 200m IM bunsod ng naitala nitong 2:13.19 habang nagtala pa ito ng isang pilak sa 200m butterfly (2:13.42) at isang tanso sa 200m backstroke (1:03.54).
Nauna nang sumisid ng tatlong gintong medalya si Cabana sa 100m butterfly, 400m IM at 100m freestyle.
Makulay din ang final day campaign ni Mikhael Jasper Mikee Mojdeh sa boys’ 9-10 class matapos sumikwat ng isang pilak sa 100m butterfly (1:25.69), at dalawang tanso sa 50m backstroke (38.23) at 100m IM (1:23.95).
Nagdagdag ng tanso sina Therese Annika Quinto sa girls’ 13-14 50m freestyle (29.45) at 100m backstroke (1:15.89), at Clara Maligat sa girls’ 13-14 200 butterfly (3:05.85).
“It was a great campaign. Nag-deliver lahat ng swimmers, lahat may medal and we’re so proud of them. Talagang lumaban silang lahat hanggang sa final day kaya worth it ang lahat ng trainings and sacrifices,” pahayag ni BEST team manager Joan Mojdeh.
Muli itong nagpasalamat sa FIlipino community sa Japan na tumulong at sumuporta sa buong delegasyon.
“Sobrang thankful kami sa Filipino community dito kina Myles Beltran, Arnel Punzalan, Marilyn Yokokoji, Sheryl Alcantara Yusa, Sheryl Ballesteros, Sahlee Bucao Endo and Shirley Dizon Yasaka na tumulong sa buong delegation,” dagdag ni Mojdeh.
Nagpasalamat din ito kina coaches Sherwyn Santiago at Jerricson Llanos at SLP president Fred Ancheta.
- Latest