Junior Altas naghari sa Invitational

Nagdiwang ang Perpetual Junior Altas matapos pagharian ang Under Armour Curry 12 Invitational Championship sa Mandaluyong City.
STAR/ File

MANILA, Philippines —  Pinatumba ng Perpe­tual Junior Altas ang Ma­pua-Malayan School Red Robins, 86-59, sa ‘win­ner-take-all’ finals para pagharian ang Under Armour Curry 12 Invitational Cham­pionship noong Ling­go sa Gameville Ball Park Court 2 sa Mandaluyong City.

Bumida si Jericho Cristino sa Junior Altas ni coach Joph Cleopas sa hinakot na 15 points, 9 rebounds, 4 assists at 5 steals.

Nagdagdag si Lebron Jhames Daep ng 14 points at 12 rebounds na hinirang na tournament MVP, habang may 11 markers si Fe­lix Corpuz tampok ang tatlong three-point shots.

Pinamunuan ni Drei Gra­gasin ang Red Robins sa kanyang 11 points at nag-ambag si Yuri Duque ng 10 markers.

Mula sa 19-17 abante ng Mapua sa first period ay bumanat ang Perpetual sa second quarter para isara ang first half hawak ang 45-33 bentahe.

Tuluyan nang lumamang ang Junior Altas nang maglista ng 65-46 ka­lamangan sa pagtatapos ng third canto.

Mula rito ay hindi na na­kabangon ang Red Robins.

Samantala, pinabagsak naman ng San Sebastian College-Recoletos  Golden Staglets ang Far Eas­tern University-Diliman Baby Ta­­maraws, 79-73, para sa third place trophy.

Show comments