Tatum, Brown binuhat ang Celtics

Dinakdakan ni Jayson Tatum ng Celtics si Pistons forward Tim Hardaway Jr.
STAR/ File

DETROIT - Iniskor ni Jayson Tatum ang anim sa kanyang 37 points sa huling 65 segundo para banderahan ang nagdedepensang Boston Celtics sa 124-118 pagdaig sa Pistons.

Naglista si Jaylen Brown ng 24 points at 10 rebounds para sa 3-0 start ng Boston.

Tumipa si Jaden Ivey ng 26 points, samantalang humakot si Cade Cunningham ng 21 points at 10 assists para sa 0-3 baraha ng Detroit

Itinayo ng Celtics ang 23-point lead sa first half, ngunit nalamangan ng Pistons sa third quarter.

Itinabla ni Jrue Holiday ang Boston mula sa kanyang back-to-back 3-pointers habang ang free throws ni Tatum ang nagbigay sa kanila ng 116-114 kalamangan sa Detroit sa huling 1:05 minuto ng fourth period.

Ang jumper ni Tatum at free throws ni Derrick White ang sumelyo sa panalo ng Celtics.

Sa Los Angeles, ipinoste ni LeBron James ang triple-double na 32 points, 14 rebounds at 10 assists para tulungan ang Lakers sa 131-127 paglusot sa Sacramento Kings.

Sa Minneapolis, kumolekta si Julius Randle ng 24 points, 9 rebounds at 5 assists sa 112-101 pagpulutan ng Minnesota Timberwolves sa Toronto Raptors.

Sa Memphis, umiskor si Santi Aldama ng 22 points sa 124-111 pagpapatumba ng Grizzlies sa Orlando Magic.

Sa San Antonio, kumamada si Victor Wembanyama ng 29 points at naglista si Jeremy Sochan ng 17 points at 12 rebounds sa 109-106 panalo ng Spurs sa Houston Rockets.

Show comments