MANILA, Philippines — Magiging solidong kasangga ng Philippine sports si businessman at sports patron Luis “Chavit” Singson na hindi naman na bago sa mundo ng palakasan.
Dating governor, congressman at mayor sa Ilocos Sur, nagsilbi na ring lider si Singson ng Philippine National Shooting Association (PNSA).
Kaya naman pamilyar na ito sa takbo ng sports sa Pilipinas.
Nangako si Singson na tutulong ito upang mas lalo pang mapaangat ang sports sa Pilipinas.
Partikular na tututukan ni Singson ang mga Pinoy athletes na nangangailangan ng sapat na suporta para mas lalo pang umangat ang kalidad ng kanilang paglalaro sa international competitions.
Isa sa halimbawa ni Singson sina gymnast Carlos Yulo at weightlifter Hidilyn Diaz-Naranjo na tunay na umangat sa international arena.
“World class,” ani Singson na kasama ang anak nitong si Ako Ilokano Ako Partylist Representative Richelle Singson sa isang simpleng press conference sa Solaire Resort and Casino sa Parañaque.
Pinuri ni SIngson si Diaz-Naranjo na siyang nagbigay ng kauna-unahang gintong medalya ng Pilipinas sa Olympic Games noong 2021 sa Tokyo, Japan.
Saludo rin si Singson kay Yulo na nakasungkit ng dalawang ginto sa Paris Olympics noong Hulyo.
Kilala rin si Singson sa mundo ng boxing dahil hinawakan nito sina boxing icon Manny Pacquiao at Charly Suarez.
Alam ni Singson ang kakapusan sa pondo ng mga atleta.
“The government should always support our athletes. Given the chance, I will help,” ani Singson.
Suportado naman ito ni Richelle.
“On sports development, he will be for increase of budget for the athletes. Due to lack of funding, we struggle to produce top-notch athletes who can represent our country well,” aniya.
“We will be in full support of increase of budget for our athletes especially in sports that we’re good at like boxing, now weightlifting. We can see some rising talents, and we need to support them to have more Olympic medalist for the Philippines,” dagdag ni Richelle.