Biñan swak sa MPVA semis

Iniskoran ni Chreizel Aguilar ng Biñan sina Jozza Cabalza at Necelle Gual ng AM Caloocan.
MPVA

MANILA, Philippines — Inangkin ng Biñan Tatak Gel ang ikatlong semifinal ticket matapos walisin ang AM Caloocan, 25-23, 26-24, 25-16, sa 2024 Maharlika Pilipinas Volleyball Association (MPVA) noong Martes ng gabi sa Alonte Sports Arena sa Laguna.

Itinaas ng Volley Angels ang kanilang record sa 10-5 para ibulsa ang ‘twice-to-beat’ incentive sa Final Four.

Nauna nang nasikwat ng Quezon (13-1) ang No. 1 seed na may bonus kasama ang Rizal (10-4).

Humataw si Shane Carmona ng 17 points mula sa 16 attacks at isang ace para sa ikaapat na sunod na ratsada ng Volley Angels sa nine-team, two-round MPVA na itinatag ni dating Senator at MPBL chairman Manny Pacquiao.

Nag-ambag si Chreizel Aguilar ng 13 markers at may 12 points si May Ann Nuique para sa Biñan na kinumpleto ang elimination sweep sa Caloocan.

Samantala, itinakas ng Quezon ang 25-18, 23-25, 25-16, 25-18 panalo kontra sa Bacoor.

Pumalo si Rhea Mae Densing ng 18 points para sa four-game winning streak ng Tangerine.

Diniskaril ng Quezon ang pagpasok ng Bacoor (9-3) sa semis na nagbigay ng pag-asa sa San Juan (6-7) at Caloocan (5-7) sa MPVA na suportado ng Extreme One-Stop Shop Appliances, ASICS, Mikasa at Gerflor kasama ang MPTV at Outcomm bilang broadcast partners.

Show comments