MANILA, Philippines — Humataw ang national muaythai team ng dalawang gintong medalya sa 2024 IFMA Asian Open Invitational Cup na ginanap sa Taipei, Taiwan.
Inihayag ng Muaythai Association of the Philippines (MAP) ang panalo nina Ejay Galendez at Floryvic Montero na parehong umani ng gintong medalya sa kani-kanyang dibisyon.
Namayagpag si Galendez sa men’s under-23 60-kilogram division kung saan pinataob nito sa finals si Sonthaya Phophet ng Thailand.
Sa kabilang banda, nagreyna naman si Montero sa women’s 51 kg elite class division.
Maliban sa dalawang ginto, may tatlong pilak at isang tansong medalya rin na naiuwi ang Pinoy bets sa torneong nilahukan ng matitikas na fighters sa rehiyon.
Galing ang pilak kina Mathew Blane Comicho sa men’s U23 67 kg division, Leo Albert Pangsadan sa Men’s Combat 48 kg Elite division at LJ Rafael Yasay sa Men’s 51 kg division.
Nasiguro naman ni Eunicka Kaye Costales ang nag-iisang tanso ng delegasyon mula sa women’s U23 54 kg division.