MANILA, Philippines — Tuluy-tuloy ang ginagawang pagpapalakas ng ZUS Coffee para sa darating na 2024-2025 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference.
Ito ay matapos hugutin ng Thunderbelles sina Kate Santiago, Joan Narit at Chinnie Arroyo mula sa Farm Fresh Foxies ilang linggo bago ang pagbubukas ng komperensya.
Sa idinaos na PVL Media Day noong Linggo ay kasama na sina Santiago, Narit at Arroyo ng ZUS Coffee ni coach Jerry Yee.
“Exciting din kasi first time ko siyang makakalaban sa kabilang team,” ani Farm Fresh star spiker Trisha Tubu sa matalik niyang kaibigang si Santiago.
Nauna nang kinuha ng Thunderbelles si veteran Jovelyn Gonzaga para makatambal ni PVL No. 1 overall draft pick Thea Gagate.
Kamakailan ay lumipat si veteran libero Jheck Dionela sa Foxies matapos maglaro sa Cignal HD Spikers ng 11 taon.
Gamit ang kanyang championship experience, inaasahang matutulungan ng 4-foot-11 na si Dionela sa Farm Fresh sina Janel Delerio at Cae Lazo.
Samantala, hinihintay pa rin kung saang team lilipat si Eya Laure matapos iwanan ang Chery Tiggo.
Isa ang Capital1 sa mga posibleng paglaruan ng 25-anyos na si Laure kung saan kailangan ang isang contract buyout para matuloy ito.