MANILA, Philippines — Magpapasiklab ang pitong mahuhusay na bagitong Pinoy tankers sa 2024 Buccaneer Invitational Swimming Championships na gaganapin sa Oktubre 26 hanggang 27 sa St. Mary’s International School swimming pool sa Tokyo, Japan.
Pangungunahan ng Mojdeh brothers na sina Mikhael Jasper Mikee at Behrouz Mohammad Madi ang kampanya ng Behrouz Elite Swimming Team (BEST) sa naturang two-day meet.
Parehong anim na events ang lalahukan nina Mikee at Madi.
Unang sasalang si Mikee sa 100m freestyle, 50m butterfly at 100m backstroke sa unang araw ng kumpetisyon sa boys’ 9-year class.
Masisilayan din ito sa aksyon sa 50m backstroke, 100m butterfly at 100m Individual Medley.
Sa kabilang banda, magtatangkang humirit ng ginto si Madi sa 400m Individual Medley, 100m butterfly, 100m breaststroke, 200m breaststroke, 200m butterfly at 200m IM sa boys’ 13-year division.
“We are sending them abroad to gain valuable experience from their foreign counterparts. Talagang bahagi ito ng programa namin para sa mga batang swimmers para mas lumalim ang experience nila at matuto,” ani BEST team manager Joan Mojdeh.
Maliban sa Mojdeh brothers, aarangkada rin sina Kristian Yugo Canaba (boys’ 14-year), Athena Custodio (girls’ 12-year), Juancho Jamon (boys’ 8-year), Clara Maligat (girls’ 13-year) at Therese Annika Quinto (girls’ 13-year).
Nagpasalamat ang BEST sa Filipino community sa Tokyo sa pangunguna nina Bombo Radyo correspondent Myles Beltran at Arnel Punzalan sa patuloy na pagsuporta sa mga Pinoy tankers na lalaban sa Japan.
“Sobrang nagpapasalamat kami sa Filipino community sa Japan kina mam Myles and sir Arnel sa pagsuporta sa team. Malaking tulong ito para sa buong team,” ani Joan.
Pukpukan na ang preparasyon ng BEST tankers para masigurong handang-handa itong sumabak sa laban kontra sa matitikas na tankers na lalahok sa torneo.
“Tuluy-tuloy lang ang training ng mga bata. Excited na silang lahat na makapagbigay ng karangalan sa bansa natin,” dagdag ni Joan.