Cardel sinibak ng Terrafirma Dyip
MANILA, Philippines — Dumikit ang Barangay Ginebra sa finals ticket matapos resbakan ang San Miguel, 121-92, sa Game Five ng Season 49 PBA Governors’ Cup semifinals series kahapon sa Ynares Center sa Antipolo City.
Inagaw ng Gin Kings ang 3-2 lead sa kanilang best-of-seven showdown ng Beermen para lumapit sa ika-31 finals appearance target ang pang-16 korona.
Tumipa si rookie guard RJ Abarrientos ng 28 points, 3 rebounds at 2 assists at may 22 markers si Scottie Thompson.
Nagdagdag si import Justin Brownlee ng 18 points at may 15 at 13 markers sina Japeth Aguilar at Maverick Ahanmisi, ayon sa pagkakasunod.
Maagang kumamada ang San Miguel sa first period tampok ang three-point shot ni Marcio Lassiter para sa kanilang 33-20 abante sa 3:01 minuto nito.
“I think we were just too pumped up in the beginning. We weren’t really thinking the game. But we just got to turn around,” ani coach Tim Cone.
Isang 14-0 atake ang ginawa ng Ginebra sa pagbibida ni Thompson para agawin ang 34-33 bentahe patungo sa pagtatala ng 59-46 kalamangan bago ang halftime.
Huling dumikit ang Beermen sa 67-68 galing sa layup ni Lassiter sa 7:26 minuto ng third period.
Isang 24-8 bomba ang pinaputok ng Gin Kings tampok ang triple ni Abarrientos para makalayo sa 92-79.
Tuluyan nang nakawala ang Ginebra sa 110-81 matapos ang tres ni Nards Pinto sa 6:39 minuto ng fourth quarter.
Umiskor si import EJ Anosike ng 21 points, habang may 17 markers si eight-time PBA MVP June Mar Fajardo sa panig ng San Miguel.
Samantala, sinibak ng Terrafirma si coach Johnedel Cardel matapos ang anim na seasons.
Inihatid ng 54-anyos na si Cardel ang Dyip sa mahinang overall record na 30-113 sa kanyang anim na taong pamamahala.
Kasama rito ang 1-9 marka sa Governors’ Cup.
Si long-time assistant coach Raymond Tiongco ang papalit kay Cardel.