Lady Blazers pasok sa SSL quarterfinals
MANILA, Philippines — Humakbang sa quarterfinal round ang College of St. Benilde matapos walisin ang San Sebastian College-Recoletos, 25-19, 25-18, 25-20, sa 2024 Shakey’s Super League Collegiate Pre-season Championship kahapon sa Rizal Memorial Coliseum.
Naibulsa ng Lady Blazers ang huling ticket sa Pool D matapos sikwatin ang pangalawang sunod na panalo at ilista ang 2-1 win-loss record.
Nagpakitang gilas si Wielyn Estoque upang akbayan ang St. Benilde sa panalo at samahan ang Far Eastern University na malinis sa tatlong laro sa susunod na phase.
Tumikada si Estoque ng game-high 13 points mula sa 11 kills at isang block at isang service ace para sa reigning ‘three-peat’ NCAA queens.
Bahagyang nakitaan ng bangis ang San Sebastian sa third set sa torneong suportado ng Shakey’s Pizza Parlor, GCash, Chery Tiggo, F2 Logistics, Peri-Peri Charcoal Chicken, Potato Corner, R and B Milk Tea at Summit Water.
Pero naging matatag ang Lady Blazers sa likod nina Estoque at Clydel Catarig para itakas ang panalo.
Hinangaan ni St. Benilde coach Jerry Yee ang kanyang mga bataan.
“’Iyan naman ang inaasahan ko sa kanila. Ganoon naman tayo, tuturuan sila ng tama and composure is a part of it. Also, matagal na tayo sa labas, sa SSL and other leagues, so nakikita ko na nagma-mature naman sila, nag-i-improve and nakikinig naman sila,” ani Yee.
Kumana si Catarig ng siyam na puntos, habang may pito at anim na marka sina Cristy Ondangan at Rhea Densing, ayon sa pagkakasunod.
- Latest