MANILA, Philippines — Pakay ng defending champion De La Salle University na pahabain ang kanilang winning streak sa anim sa pagharap nila sa mapanganib na Adamson University sa UAAP Season 87 men’s basketball tournament sa UST Quadricentennial Pavilion.
Muling sasandalan ng Green Archers si reigning Most Valuable Player (MVP) Kevin Quiambao para masikwat ang inaasam na panalo at palakasin ang kapit sa tuktok ng liderato.
Tangan ng La Salle ang 8-1 kartada at nasa likuran nila ang Season 86 runner-up University of the Philippines na may 7-1 record.
Magtutuos ang Green Archers at Soaring Falcons ngayong alas-3:30 ng hapon pagkatapos ng banatan sa pagitan ng University of Sto. Tomas Growling Tigers at Ateneo Blue Eagles sa alas-12 ng tanghali.
Inaasahang magiging agresibo ang Green Archers lalo na si Quiambao na nagtala ng career-high 29 points nang kalusin ang Growling Tigers sa overtime, 94-87.
Para kay Quiambao ipagpatuloy lamang nilang gawin ang sistema ni coach Topex Robinson at malaki ang tsansa nilang masungkit muli ang korona.
“Kailangan lang namin sundin ‘yung sistema, huwag tayong lilihis,” sabi ng 6-foot-6 forward na si Quiambao.
Subalit aminado ang La Salle na mapapalaban sila sa Adamson na nasa fifth place ng team standings hawak ang 3-5 baraha.
“We know that Adamson is one of the best defensive teams in the league right now. Their numbers are really showing that, you know, they know how to play defense, again a well-coached program,” wika ni Robinson sa Soaring Falcons.
Maliban kay Quiambao, inaasahang huhugot din ng puwersa si Robinson kina Mike Phillips at Raven Gonzales.