TNT pupuwesto na sa finals

Supalpal ang inabot ni Rain or Shine import Aaron Fuller kina TNT import Rondae Holliss-Jefferson at Calvin Oftana sa Game 4.

MANILA, Philippines — Hawak ng nagdedepensang TNT Tropang Giga ang malaking 3-1 lead sa kanilang semifinals showdown ng Rain or Shine.

Ngunit hindi pa rin nagkukumpiyansa si coach Chot Reyes sa pagpasok nila sa PBA Finals.

“That’s farthest from my mind right now. My only thought is our preparation for next game,” ani Reyes matapos ang 81-79 pag-eskapo ng Tropang Giga sa Elasto Painters sa Game Four noong Miyerkules.

Pipilitin ng TNT na makopo ang finals ticket sa pagsagupa sa Rain or Shine ngayong alas-7:30 ng gabi sa Game Five ng Season 49 PBA Governors’ Cup semifinals series sa Ynares Center sa Antipolo City.

Inangkin ng Tropang Giga ang Game One, 90-81, at Game Two, 108-91, bago nakahirit ang Elasto Painters ng 110-109 panalo sa Game Three ng kanilang best-of-seven semis duel.

Hangad ng TNT na ma­kaabante sa kanilang pang-23 finals appearance target ang ika-10 korona na pipiliting pigilin ng Rain or Shine para makatabla sa serye.

“Hopefully, on Friday, we come out with that kind of hunger and edge in Game 5,” sabi ni Reyes.

Sa alas-5 ng hapon magtutuos ang Barangay Ginebra at San Miguel na tabla sa 2-2 sa kanilang duwelo.

Itinagay ng Beermen ang 131-121 pagresbak sa Gin Kings sa Game Four kung saan umiskor si eight-time PBA MVP June Mar Fajardo ng 29 points.

Show comments