Casimero-Inoue malabo pa
MANILA, Philippines — Malabo pang matupad ang inaasam ni dating world champion John Riel Casimero na makaharap si undefeated Japanese fighter Naoya Inoue.
Ito ay matapos mapaulat na pinatawan si Casimero ng isang taon na suspensiyon ng Japan Boxing Commission dahil hindi nito nakuha ang weight limit sa laban nito kay American Saul Sanchez noong Oktubre 13.
Matatandaang sa official weigh-in, nagtala si Casimero ng 56.33kg o 124.12lbs — mas mabigat sa orihinal na weight limit na 55.3kg o 122lbs.
Ibinaba pa ito ni Casimero sa 55.9kg o 123.23 lbs subalit hindi pa rin nito nakuha ang catch weight para sa laban.
Gayunpaman, natuloy pa rin ang laban kung saan nanalo si Casimero via first-round knockout.
Matapos ang laban, lumutang agad ang pangalan ni Inoue sa posibleng sunod na makalaban ni Casimero. Ngunit dahil sa naglabasang ulat patungkol sa suspensiyon, malabong matuloy ang inaasam na mega fight nito kontra kay Inoue.
Kasalukuyang hawak ni Inoue ang super bantamweight titles sa WBA, World Boxing Council, International Boxing Federation at World Boxing Organization.
- Latest