Altas magpapatibay sa Final 4
MANILA, Philippines — Palalakasin ng University of Perpetual Help DALTA ang tsansa sa Final Four sa pagsagupa sa nagdedepensang San Beda University sa second round ng NCAA Season 100 men’s basketball tournament.
Lalabanan ng Altas ang Red Lions ngayong alas-12 ng tanghali kasunod ang banatan ng Mapua Cardinals at Letran Knights sa alas-2:30 ng hapon sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan City.
Solo ng St. Benilde ang liderato sa kanilang 9-2 kartada sa itaas ng Mapua (8-3), San Beda (7-4), Lyceum (6-5), Letran (6-5), Perpetual (5-6), Emilio Aguinaldo College (5-6), Jose Rizal (3-8), Arellano (3-8) at San Sebastian (3-8).
Umiskor ang Altas ng malaking 71-61 panalo sa Knights habang nakatikim ang Red Lions ng 62-64 kabiguan sa Pirates sa kani-kanilang huling laro.
Ang panalo sa Letran ang tumapos sa four-game losing slump ng Perpetual kung saan kumamada si Christian Pagaran ng 19 points tampok ang apat na three-point shots.
Sa ikalawang laro, pupuntiryahin ng Cardinals ang ikatlong sunod na ratsada sa pagharap sa Knights na nasa two-game losing skid.
Magkasunod na tinalo ng Mapua ang Jose Rizal, 75-71, at EAC, 82-79, samantalang bigo ang Letran sa Lyceum, 68-91, at sa Perpetual, 61-71.
Inaasahang sasamantalahin ng Cardinals ang hindi paglalaro ni star guard Jimboy Estrada para sa Knights na napatawan ng one-game suspension dahil sa dalawang unsportsmanlike foul sa kabiguan nila sa Altas.
- Latest