Biñan pinalakas ang tsansa sa semis sa MPVA

MANILA, Philippines — Pinadapa ng Biñan Tatak Gel ang ICC Negros, 25-16, 25-16, 26-24, para patibayin ang pag-asa sa fourth spot sa Maharlika Pilipinas Volleyball Association (MPVA) Season 1 noong Miyerkules sa Alonte Sports Arena sa Laguna.

Humataw si Erika Jin Deloria ng 19 points mula sa 18 attacks at isang service ace para akayin ang Volley Angels sa 9-5 record para manatili sa No. 4 spot at palakasin ang tsansa sa huling semifinal spot sa nine-team MPVA na itinatag ni dating Senator at MPBL chairman Manny Pacquiao.

Nagdagdag si Shane Carmona ng 11 markers at may 10 points si Chreizel Aguilar para sa Biñan na naunang pumalo ng 25-14, 25-17, 25-22 panalo sa Valenzuela Classy noong Lunes.

Nakalayo ang Volley Angels sa San Juan Lady Knights (6-7) at AM Caloocan Air Force (5-7) papasok sa krusyal na bahagi ng two-round MPVA na suportado ng Extreme One-Stop Shop Appliances, ASICS, Mikasa at Gerflor kasama ang MPTV at Outcomm bilang broadcast partners.

Samantala, itinakas ng San Juan ang 25-9, 25-11, 19-25, 15-25, 15-10 tagumpay kontra sa Valenzuela (2-10).

Show comments