MANILA, Philippines — Determinado si co-team owner Milka Romero na palakasin ang Capital1 Solar Energy – katuwang ang kanyang kapatid na si Mandy – sa Philippine Volleyball League (PVL).
Nagparamdam si Milka na kukuha ng mga bigating players para sa inaasam na korona.
“The team has overachieved in the last PVL conference, but winning a championship is still our main goal, so we are doing everything possible so we can have the best players in our team,” sabi ng anak ni outgoing 1Pacman Rep. Mikee Romero.
Bagama’t magiging abala sa preparasyon para sa 2025 midterm elections bilang No. 1 nominee ng party-list ng kanyang ama sa Congress, iginiit ni Milka na magiging aktibo siya sa pagpapalakas ng Solar Spikers kasama si Mandy.
Umabante ang Capital1 sa quarterfinals ng nakaraang PVL Reinforced Conference sa kanila pa lamang ikalawang conference.
Hindi na bago ang pagiging public servant para sa 31-anyos na part-time model na si Milka.
Lagi kasi siyang nasa tabi ng kanyang ama bilang dating Senior Deputy Speaker sa pagtulong sa mga nangangailangan.
Sakaling maihalal sa Congress sa susunod na taon, sinabi ni Milka na hindi lamang siya tututok sa volleyball kundi maging sa iba pang sports kung saan malaki ang tsansa ng mga Pinoy na manalo.
Kamakailan ay nagsagawa ang Capital1 team ng volleyball clinics sa Tagudin sa Ilocos Sur at nilabanan ang isang local team.
“Hopefully we can do more clinics in other areas because we need to boost the country’s sports development program. And if stars align next year, we’ll have more clinics not only in volleyball but also other sports,” ani Milka na isa sa mga awardees ng People Asia’s “Women of Style & Substance 2024.”