MANILA, Philippines — Muling pipilitin ng nagdedepensang TNT Tropang Giga na makadikit sa finals berth kagaya ng misyon ng Barangay Ginebra.
Maghaharap ang Tropang Giga at Rain or Shine Elasto Painters ngayong alas-5 ng hapon kasunod ang pagsagupa ng Gin Kings sa San Miguel Beermen sa alas-7:30 ng gabi sa Game Four ng Season 49 PBA Governors’ Cup semifinal series sa Smart Araneta Coliseum.
Kinuha ng TNT ang 2-0 lead bago inagaw ng Rain or Shine ang Game Three, 110-109, para makalapit sa 1-2 sa kanilang best-of-seven showdown.
“Pahirapan ‘yung laro. I think we passed the test of character, we’re able to hang in there versus a strong team with a good import. We’re able to survive that,” ani Elasto Painters’ coach Yeng Guiao sa pagtakas nila sa Tropang Giga.
Sina import Rondae Hollis-Jefferson, Roger Pogoy, Calvin Oftana, Jayson Castro at Poy Erram ang muling babandera sa TNT katapat sina import Aaron Fuller, Andrei Caracut, Jhonard Clarito, Beau Belga at Gian Mamuyac ng Rain or Shine.
“Just had a confidence in myself, just knowing we don’t want to go down 0-3. It’s not impossible to get back. But that’s a tall order, trying to comeback down 0-3,” sabi ni Fuller na humakot ng 26 points at 16 rebounds sa Game Three.
Hawak din ng Ginebra ang 2-1 bentahe sa kanilang serye ng San Miguel matapos ilusot ang 99-94 panalo sa Game Three.
Muling sasandig ang Ginebra kay Brownlee kasama sina Japeth Aguilar, Scottie Thompson, Stephen Holt, Joe Devance at rookie RJ Abarrientos kontra kina import EJ AEJ Anosike, eight-time PBA MVP June Mar Fajardo, CJ Perez, Terrence Romeo, Marcio Lassiter at Jericho Cruz ng SMB.