Solong liderato target ng La Salle
MANILA, Philippines — Tatangkain ng defending champion De La Salle University na solohin ang top spot ng team standings sa bakbakan nila ng University of Sto. Tomas ngayong araw sa UAAP Season 87 collegiate men’s basketball tournament na lalaruin sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Paniguradong ibabangga ng Green Archers ang kanilang pangunahing sandata na si reigning Most Valuable Player (MVP) Kevin Quiambao para masikwat ang inaasam na panalo at kumalas sa pagkakapit ng mahigpit nilang karibal na University of the Philippines sa team standings.
Magsisimula ang banatan ng Green Archers at Growling Tigers sa alas-6 ng gabi pagkatapos ng upakan sa pagitan ng National University at Far Eastern University.
Parehong 7-1 ang karta ng DLSU at last year’s runner up Fighting Maroons nasa pangatlo ang University of the East hawak ang 5-3 card.
Isa sa maiinit na teams ang La Salle kaya nais nilang pahabain ang kanilang winning streak sa lima.
Pero alam ng Taft-based squad na hindi magiging madali ang pagsilo ng panalo sa Growling Tigers.
“We all know that this season will be the hardest for us. Just like what I always tell these players, that’s what you get for being the defending champions. Every team will comes out with guns blazing when they play you,” ani La Salle head coach Topex Robinson.
Makakatuwang ni Quiambao sa opensa si Mike Phillips.
Nasa solo fourth place naman ang UST na may 4-4 record at nais nilang palakasin ang kapit sa magic four.
- Latest