Gin Kings malaki ang pakinabang kay Devance

Bantay-sarado kay Joe Devance ng Ginebra si SMB star June Mar Fajardo sa Game Three.

MANILA, Philippines — Hindi man siya humahataw ng malaking puntos ay malaki ang pakinabang ng Barangay Ginebra kay Joe Devance sa kanilang semifinals series ng San Miguel sa Season 49 PBA Governors’ Cup.

Nagbalik lamang sa bansa si Devance para magbakasyon matapos magretiro noong 2022, ngunit nang hilingin ng Gin Kings ang kanyang serbisyo ay hindi nagdalawang-isip ang 42-anyos na veteran center.

Ang 6-foot-7 na Fil-American ang dumedepensa kay 6’10 at eight-time PBA MVP June Mar Fajardo sa best-of-seven showdown ng Gin Kings at Beermen.

“Without him, I don’t think we would be here playing San Miguel the way we are because obviously, there’s no one guy who can compete with June Mar for 48 minutes,” ani coach Tim Cone kay Devance.

Ang 12-time PBA champion ang sumalo sa naiwang trabaho ni 6’7 center Isaac Go na nagkaroon ng knee injury sa elimination round.

Sa 99-94 panalo ng Ginebra sa San Miguel sa Game Three para agawin ang 2-1 lead sa serye ay may dalawang assists lamang si Devance sa loob ng 10 minutong paglalaro.

Muling aasahan ng two-time PBA Grand Slam champion coach si Devance sa pagsagupa ng Gin Kings sa Beermen sa krusyal na Game Four bukas sa Smart Araneta Coliseum.

Show comments