PH kickboxers wagi ng 5 golds sa Asian meet

Hergie Bacyadan
Facebook / Samahang Kickboxing ng Pilipinas

MANILA, Philippines — Magarbong tinapos ng national kickboxing team ang kampanya nito matapos makahirit ng isa pang ginto sa huling araw ng bakbakan sa 2024 Asian Kickboxing Championships na ginanap sa Phnom Penh, Cambodia.

Galing ang huling ginto kay Gina Araos na pinagreynahan ang 56kgs Lowkick Female division para matagumpay na wa­kasan ang ratsada nito sa Asian meet.

Sa kabuuan, may limang ginto, isang pilak at 10 tansong medalya ang Pinoy squad sa torneo.

Pinakamaningning si Jovan Medallo na may dalawang ginto — sa Musical Forms with Weapon at sa Musical Form Open Hand events — at isang tanso sa Creative Form with Weapon event.

May gintong medalya rin sina Paris Olympics veteran Hergie Bacyadan at Carlo Von Buminaang sa kani-kanyang events.

Nagreyna si Bacyadan sa women’s K1 -70 kilogram division habang kumana ng ginto si Buminaang sa men’s 67kgs lowkick category.

Galing naman ang nag-iisang pilak ay Honorio Banario sa 75kgs K1 Male event.

Nakalikom naman ng tatlong tanso si Janah Jade Lavadorsa Musical form w/ weapon, Musical form w/out weapon at Creative form w/ weapon.

Nagdagdag ng tig-iisang tanso sina Renalyn Dacquet (48kgs Lowkick Female), Claudine Veloso (52kgs K1 Female), Whinny Bayawon (57kgs Kicklight Male) Lance Airon Villamer (63kgs Point Figh­ting Male), Daryl Chulipas (51kgs Full Contact Male) at Felex Dave Cantores (63.5kgs Full Contact Male).

Show comments