La Salle winalis ang Pool C sa Shakey’s volley
MANILA, Philippines — Swak sa susunod na round ang De La Salle University matapos pagpagin sa tatlong sets ang Jose Rizal University, 25-18, 25-20, 25-16 sa 2024 Shakey’s Super League (SSL) Collegiate Pre-season Championship na nilaro sa Rizal Memorial Coliseum sa Vito Cruz, Manila kahapon.
Nahirang na Most Valuable Player of the game si Baby Jyne Soreno matapos magtala ng 10 points, anim na service aces at apat na attacks upang tulungan ang Lady Spikers na walisin ang lahat ng katunggali at ilista ang 3-0 sa Pool C.
Ang top two teams lang sa bawat Pool ang uusad sa susunod na phase kung saan ay hahatiian sa dalawang grupo at muli silang maglalaro ng round robin sa event na suportado ng Shakey’s Pizza Parlor, GCash, Chery Tiggo, F2 Logistics, Peri-Peri Charcoal Chicken, Potato Corner, R and B Milk Tea at Summit Water.
Nagparamdam din ng lakas sina senior high winger Sandy Demain at middle blocker Katrina Del Castillo para sa La Salle.
Tumikada si Demain ng 11 points lahat galing sa attacks habang 10 markers ang kinana ni Del Castillo sa tournament na katuwang ang Smart Sports, PLDT Fibr, Mikasa, Asics, Rebel Sports, Eurotel, Victory Liner, Commission on Higher Education (CHED), Philippine Sports Commission (PSC), at SM Tickets bilang technical partners.
- Latest