Philippines bets hataw pa ng 2 ginto sa Asian Kickboxing

MANILA, Philippines — Nadagdagan pa ang kaban ng Team Philippines matapos makasikwat ng dalawang gintong medalya ang Pinoy kickboxers sa 2024 Asian Kickboxing Championships na ginaganap sa Phnom Penh, Cambodia.

Nag-ambag ng gintong medalya sina Paris Olympics veteran Hergie Bacyadan at Carlo Von Buminaang matapos mamayagpag sa kani-kanyang events.

Ito ang unang torneo ni Bacyadan sapul nang sumabak ito sa 2024 Olympic Games boxing competitions noong Agosto sa Paris, France.

Inilatag ni Bacyadan ang malalim nitong karanasan upang pagreynahan ang women’s K1 -70 kilogram division kung saan nanaig ito laban kay Teng Jinwei ng China.

Nakapasok sa finals si Bacyadan nang gapiin nito si Raksa Samnang ng Cambodia kung saan tatlong beses nitong napatumba ang hometown bet.

Sa kabilang banda, humirit din ng gintong medalya si Buminaang nang dominahin nito ang men’s 67kgs lowkick ca­tegory.

Ito ang ikaapat na gintong medalya ng Pilipinas sa torneo.

Show comments