MANILA, Philippines — Suportado ng Malacañang ang pagdaraos ng prestihiyosong ICF Dragon Boat World Championships mula Oktubre 27 hanggang Nobyembre 4 sa Puerto Princesa City, Palawan.
Naglabas si Pangulong Bongbong Marcos ng Proclamation No. 699 para ideklara ang ikaapat na linggo ng Oktubre bilang “Moving Forward Paddling Week Philippines.”
“The celebration of Moving Forward Paddling Week Philippines aims to promote the Philippines as premier paddling destination and encourage all communities to adopt as a sport and leisure activity,” ayon sa decree.
“’Paddling forward’ symbolizes unity and strength in navigating the challenges towards achieving progress as a Filipino nation, and embodies personal growth and development through constantly striving to push limits, overcome setbacks, and demonstrate resilience and dedication in the pursuit of excellence,” dagdag pa ni Marcos.
Inatasan ni Marcos si Philippine Sports Commission Chairman Richard Bachmann na makipagtulungan sa mga organizers ng World Dragonboat meet upang masigurong magiging matagumpay ito.
Nagpasalamat naman sina Puerto Princesa Mayor Lucilo Bayron at Philippine Canoe Kayak Federation president Leonora “Lenlen” Escollante sa suportang ibinigay ni Marcos.
“Kahit sino pa man ang mga participants natin, kailangan nating pakitunguhan ng maayos, kahit saan mang galing bansa yan, China man yan, Ukraine or Russia. Ito po ay larangan ng palakasan, walang politika, ito ay friendship game lang dito sa Pilipinas,” ani Escollante.
Inimbitahan din nito ang mga Pinoys na manood upang masilayan ang mga world-class paddlers na magbabakbakan sa torneo na magsisilbing qualifying meet para sa 2025 World Games.
Kumpirmado na ang pagdating ng mahigit 2,000 paddlers mula sa 22 bansa na lalahok sa torneo.