TNT lalapit sa finals

Hawak ang 2-0 bentahe sa kanilang best-of-seven semis showdown, sasagupain ng Tropang Giga ang Rain or Shine Elasto Painters sa Game Three ngayong alas-7:30 ng gabi sa Dasmariñas City Arena sa Cavite.

MANILA, Philippines — Lalapit ang nagdedepensang TNT Tropang Giga sa pagdakma sa championship ticket, habang mag-uunahan ang San Miguel at Barangay Ginebra sa 2-1 lead sa Season 49 PBA Governors’ Cup semifinal series.

Hawak ang 2-0 bentahe sa kanilang best-of-seven semis showdown, sasagupain ng Tropang Giga ang Rain or Shine Elasto Painters sa Game Three ngayong alas-7:30 ng gabi sa Dasmariñas City Arena sa Cavite.

Tinalo ng TNT ang Rain or Shine sa Game One, 90-81, at sa Game Two, 108-91, para makalapit sa pang-23 finals appearance target ang ika-10 korona.

“We can’t take our foot off the pedal,” ani Tropang Giga coach Chot Reyes sa serye nila ng Elasto Pain­ters. “It’s nice to be up 2-0, but it takes four (wins) to get to the next stage.”

Muling aasahan ng TNT sina import Rondae Hollis-Jefferson, Calvin Oftana, Roger Pogoy, Jayson Castro at Henry Galinato katapat sina reinforcement Aaron Fuller, Beau Belga, Jhonard Clarito, Andrei Caracut at Adrian Nocom ng Rain or Shine.

Naniniwala si Elasto Painters’ mentor Yeng Guiao na makakaisa sila sa Tropang Giga.

“When you’re down 0-2, survival mode ka na. We just want to win one game and hope the momentum shifts,” ani Guiao.

Paglalabanan naman ng Beermen at Gin Kings ang 2-1 lead sa kanilang serye sa alas-5 ng hapon.

Inangkin ng Ginebra ang Game One, 122-105, bago nakatabla ang San Miguel sa Game Two via overtime, 131-125.

Sasandigan ng SMB sina import EJ Ano­sike, eight-time PBA MVP June Mar Fajardo, CJ Perez, Marcio Lassiter at Terrence Romeo na nagsalpak ng siyam sa kanyang 26 points sa extension.

Show comments