MANILA, Philippines — Nangailangan ang Far Eastern University ng extra period upang suwagin ang 76-72 overtime win laban sa Adamson University sa UAAP Season 87 collegiate men’s basketball tournament na nilaro sa Smart Araneta Coliseum kagabi.
Muling nagpasiklab sa OT si Jorrick Bautista matapos kumana sa clutch at sumalpak ng three-pointer para ihirit ang FEU ng karagdagang limang minuto at saka umiskor ng siyam na krusyal points para ibigay sa Tamaraws ang pangalawang panalo sa walong laro.
Nakapagtala si Bautista ng impresibong 21 markers at anim na rebounds kasama ang 10-of-12 sa free throws sapat para akayin sa exrta quarter ang Morayta-based squad.
Sa unang panalo ng FEU sa first round ay si Bautista din ang sinandalan nila nang umiskor ito ng 14 markers sa fourth at OT para padapain ang Ateneo de Manila University, 66-65 noong Setyembre 29.
Nalagay pa ang FEU sa delikadong sitwasyon ng biglang pumutok si Mathew Montebon sa sinalpak na three-pointers sa final 1:20 minuto para bigyan ng pag-asa ang Falcons na itakas ang panalo.
Pero naging matatag ang Tamaraws para masikwat ang pangalawang overtime wins.
Samantala, nalasap ng Soaring Falcons ang pangatlong sunod na talo para malaglag sa 3-5 baraha hawak ang solo fifth place.