Casimero overweight sa laban kontra Sanchez

John Riel Casimero
Photo release

MANILA, Philippines — Sablay na naman si dating world champion John Riel Casimero na overweight sa super bantamweight fight nito kontra kay American boxer Saul Sanchez na gaganapin sa Yokohama Budokan sa Japan ngayong araw.

Sa official weigh-in ka­hapon, tumimbang si Casimero ng 56.33kg o 124.12lbs — mas mabigat sa orihinal na weight limit na 55.3kg o 122lbs.

Muling sumubok si Casimero sa timbangan ngunit bigo pa rin ito na makuha ang weight limit matapos magtala ng 55.9kg o 123.23 lbs.

Sa kabila nito, matutuloy pa rin ang laban dahil wala namang championship belt na nakataya.

Ito ang unang pagsa­bak ni Casimero sapul no­ong Oktubre 12, 2023 kung saan nauwi sa draw ang laban nito kay Yukinori Oguni sa labang ginanap sa Ariake Arena sa Japan.

Matatandaang hindi rin nakapunta sa weigh- in si Casimero sa kanya sanang WBO bantamweight title defense laban kay Paul Butler noong Diyembre ng taong 2021.

Idinahilan ng kampo nito ang viral gastritis.

Hawak ni Casimero ang  21-3 rekord.

Show comments