MANILA, Philippines — Kinadena ng nagdedepensang National University ang ikalawang sunod na panalo matapos lapain ang Emilio Aguinaldo College, 25-15, 25-7, 25-13, sa 2024 Shakey’s Super League collegiate preseason championship kahapon sa Rizal Memorial Coliseum.
Sumabit sa two-way tie sa top spot ng Pool A ang ‘three-peat’ seeking NU kasalo ang Arellano University tangan ang 2-0 marka.
Magaan na kinalos ng Lady Bulldogs ang Lady Generals sa loob ng 77 minuto kaya lumakas ang tsansa nilang sumampa sa susunod na phase pagkatapos ng group stage sa event na suportado ng Shakey’s Pizza Parlor, GCash, Chery Tiggo, F2 Logistics, Peri-Peri Charcoal Chicken, Potato Corner, R and B Milk Tea at Summit Water.
Pinamunuan ni Arah Panique ang NU sa tinikadang 10 points, habang bumakas sina Bella Belen at reigning MVP Alyssa Solomon ng tig-pitong puntos.
“Ang challenge ngayon is marami pa kaming errors and siguro work on sa mga kulang pa namin,” wika ni Panique na miyembro ng Alas Pilipinas.