MANILA, Philippines — Aminado si Barangay Ginebra coach Tim Cone na isang malaking problema sa kanila si San Miguel star center June Mar Fajardo pagdating sa best-of-seven semifinals series.
Humakot ang eight-time MVP ng 40 points at 24 rebounds sa 109-105 pagsibak ng Beermen sa Converge FiberXers sa Game Five ng kanilang best-of-five quarterfinals duel sa Season 49 PBA Governors’ Cup noong Linggo.
“Obviously, having to go with June Mar... in the next series is gonna be a big concern for us as well,” wika ng Gin Kings mentor kay Fajardo.
Magtutuos ang Ginebra at San Miguel ngayong alas-5 ng hapon sa Game One ng kanilang semis showdown kasunod ang upakan ng nagdedepensang TNT Tropang Giga at Rain or Shine sa alas-7:30 ng gabi sa Philsports Arena sa Pasig City.
Kumpara sa 3-2 pagpapatalsik ng Beermen sa FiberXers, winalis naman ng Gin Kings ang karibal na Meralco Bolts, 3-0, sa quarterfinals.
Huling naglaro ang Gin Kings noong Setyembre 30 nang sibakin ang Bolts.
“It’s well-coached, it has great players so, you know, we just have to play well, we have to play our A-game, for us to have a chance to beat them,” ani SMB coach Jorge Gallent.
Nanaig ang Gin Kings, 108-102, sa una nilang pagkikita noong Agosto 27 tampok ang career-high 51 points ni import Justin Brownlee.
Rumesbak ang Beermen sa 131-82 panalo noong Setyembre 15 kung saan hinirang si Marcio Lassiter bilang PBA all-time three-point leader.
Mag-uunahan rin sa 1-0 lead sa semis ang Tropang Giga at Elasto Painters.
Tinapos ng TNT ang kanilang quarterfinals series ng NLEX sa 3-1, habang tinakasan ng Rain or Shine ang Magnolia sa Game Five.