MANILA, Philippines — Kinailangan ng nagdedepensang San Beda University ng extra period para talunin ang Mapua University, 76-69, sa kanilang finals rematch sa NCAA Season 100 men’s basketball tournament kahapon sa MOA Arena sa Pasay City.
Iniskor ni team captain Yukien Andrada ang lima sa kanyang 18 points sa overtime para sa ikatlong sunod na ratsada ng Red Lions at tinapos ang three-game winning streak ng Cardinals.
Nagsosyo ang Mapua, San Beda at Letran sa kanilang pare-parehong 6-3 kartada sa ilalim ng lider na College of St. Benilde na may 7-2 baraha
“Basta sa akin, sabi nga ni coach Yuri (Escueta) kapag open ako itira ko lang,” ani Andrada. “I had the green light, so kahit magmintis ako ng ilang beses diyan, alam ko papasok at papasok pa rin ang tira ko.”
Ang tinutukoy ni Andrada ay ang kanyang krusyal na three-point shot na nagbigay sa Red Lions ng 71-69 abante kasunod ang jumper niya na nag-iwan sa Cardinals sa 73-69 sa huling 1:13 minuto ng extension.
Ang technical free throw ni Jomel Puno kasunod ang drive ni Bryan Sajonia ang tuluyan nang naglayo sa San Beda sa 76-69 sa natitirang 14.8 segundo matapos ang tatlong mintis na triple ng Mapua.
Nauna nang dinala ni Penny Estacio ang Red Lions sa overtime, 66-66, bago isinalpak ni Cy Cuenco ang kanyang tres para sa 69-68 bentahe ng Cardinals sa 2:27 minuto nito.
Sa unang laro, umiskor si guard Jhomel Ancheta ng 17 points para tulungan ang St. Benilde sa 84-69 pagrapido sa Jose Rizal University.