Magnolia nagkamali ng pinili—Guiao

Isa si point guard Andrei Caracut sa mga sinan- digan ng Rain or Shine sa pagsibak sa Magnolia sa Game 5.
PBA Image

MANILA, Philippines —  Tila nagkamali ng desisyon ang Magnolia nang piliin nilang labanan ang Rain or Shine sa quarterfinal round ng Season 49 PBA Governor’s Cup.

Bagama’t walang mga star players ay sinibak ng Elasto Painters ang Hotshots, 3-2, sa kanilang best-of-five quarterfinals showdown papasok sa semis ng season-opening conference.

“We felt a little challenged kasi alam namin na parang ginusto ng Magnolia na kami ang makatapat nila na ‘yung game nila with Converge,” wika ni Rain or Shine coach Yeng Guiao.

Imbes na isabak ang kanilang mga bigating pla­yers ay mas pinili ni mentor Chito Victolero na ipahinga ang mga ito na nagresulta sa 82-89 kabiguan ng Hotshots sa FiberXers sa agawan sa No. 3 spot sa quarterfinals.

Ang Converge ang sumagupa sa San Miguel sa quarterfinals.

“I felt na mas importante sa kanila ‘yung makapagpahinga ‘yung mga players kesa mag-compete sa larong ‘yun. To me, it was really a conscious choice on their part to play us,” dagdag ng seven-time PBA champion coach.

Sa 113-103 pagpapa­talsik sa Magnolia ay pumutok para sa Rain or Shine ang mga bagitong sina Andrei Caracut, Adrian Nocom at Jhonard Clarito bukod kay import Aaron Fuller.

“Maybe, mas maganda na magsisi sila na tayo ang pinili nila. That was put as a challenge,” wika ng 65-anyos na si Guiao.

Lalabanan ng Elasto Painters sa best-of-seven semis duel ang nagdedepensang TNT Tropang Giga na sinibak ang NLEX Road Warriors sa Game Four, 3-1.

Show comments