Yulo wala pa ring foreign coach
MANILA, Philippines — Sa ngayon, mananatiling local coach ang hahawak sa training ni Paris Olympics double gold medalist Carlos Yulo para paghandaan ang kanyang mga susunod na laban.
Ito ang kinumpirma ni Gymnastics Association of the Philippines (GAP) president Cynthia Carrion kung saan si coach Aldrin Castaneda pa rin ang tututok sa pagsasanay ni Yulo.
Gayunpaman, handa ang GAP na kumuha ng foreign coach sakaling magkaroon ng oportunidad.
Malaki ang maitutulong ng isang foreign coach sa pagsasanay ng isang atleta gaya ng ginawa ng GAP kay Yulo.
Matatandaang si Japanese coach Munehiro Kugimiya ang naging mentor ni Yulo upang maging isang world-class athlete ito.
Hinubog ni Kugimiya si Yulo upang masungkit ang kanyang kauna-unahang world title noong 2019 World Championships sa Stuttgart, Germany.
Nasungkit ni Yulo ang gintong medalya sa men’s floor exercise.
Sa kasalukuyan, sinabi ni Carrion na nagpaparamdam na ang ilang Russian coaches na nais tumulong sa training ng Pinoy gymnasts.
Bumisita sa training venue ng national gymnastics team si Russian ambassador Marat Pavlov at humanga ito sa husay ng mga Pinoy athletes.
Ayon pa kay Carrion, posibleng bumisita ang ilang Russian coaches sa Pilipinas para tulungan ang mga miyembro ng national pool.
Nakatakdang magtungo si Yulo sa Australia para magpahinga matapos ang walang humpay na kaliwa’t kanang events matapos ang Paris Olympics.
Matapos ang kanyang bakasyon sa Australia, tutulak naman si Yulo sa Japan para sa ilang events doon sa Teikyo University na kanyang dating school sa Tokyo.
Agad na babalik sa Pilipinas si Yulo para simulan na ang kanyang training para sa mga susunod na torneong lalahukan nito.
- Latest