MANILA, Philippines — Nalampasan ng San Beda University ang pagbangon ng University of Perpetual Help System DALTA sa fourth quarter para ilusot ang 63-62 panalo sa NCAA Season 100 men’s basketball tournament kahapon sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan City.
Ang back-to-back wins ng Red Lions ang nagbigay sa kanila ng 5-3 record, habang nahulog ang Altas sa 4-5 marka kasama ang three-game losing skid.
Nauna nang natalo ang San Beda sa Emilio Aguinaldo College (3-5) at Arellano University (3-6) bago magwagi sa Letran College (5-3).
“Let’s just focus on the present, which is the Perpetual game and let’s try to be the aggressors today and I think our defense was able to hold up,” ani coach Yuri Escueta.
Inilista ng Red Lions ang 60-49 abante matapos ang dalawang free throws ni Jomel Puno para buksan ang fourth period.
Isang 13-3 atake ang ginawa nina Christian Pagaran, John Abis, Shawn Orgo at Jearico Nunez para idikit ang Altas sa 62-63 sa huling 1:41 minuto nito.
Ang dalawang mintis na three-point shots nina Perpetual rookie guard Mark Gojo Cruz at big man JP Boral ang sumelyo sa panalo ng San Beda.
Umiskor si Puno ng 16 points para sa Red Lions.
Pinamunuan ni Abis ang Altas sa kanyang 14 points at humakot si Orgo ng 10 markers, 10 assists at 9 rebounds.
Samantala, tinapos ng Letran (6-3) ang first round sa pamamagitan ng 78-66 paggiba sa Lyceum (4-5).
Humakot si big man Kevin Santos ng 17 points, 11 rebounds at 3 blocks para pangunahan ang Knights.