Lady Warriors pinadapa ang Lady Cardinals sa SSL

Hinatawan ni Yesha Rojo ng University of the East ang player ng Mapua sa aksyong ito sa SSL.
SSL photo

MANILA, Philippines — Kinahon ng University of the East ang pangatlong sunod na panalo matapos kalusin ang Mapua University, 25-14, 25-20, 25-20, kahapon sa 2024 Shakey’s Super League (SSL) Collegiate Pre-season Championship na nilaro sa Rizal Memorial Coliseum sa Vito Cruz, Manila

Kulang sa sandata ang Lady Warriors dahil hindi nakapaglaro ang pangunahing armas nilang si ace winger Casiey Dongallo pero lumabas ang tikas ng ibang players kaya nanati­ling malinis ang kanilang karta sa tatlong laro at kapit sa tuktok ng team stan­dings sa Pool B.

Tumikada si Riza Noga­les ng 11 points mula sa siyam na kills, isang service ace at isang block para tulungan ang UE na ilista ang back-to-back straight sets win sa tournament na suportado ng Shakey’s Pizza Parlor, GCash, Chery Tiggo, F2 Logistics, Peri-Peri Charcoal Chicken, Potato Corner, R and B Milk Tea at Summit Water.

Kumana rin sina Jelai Gajero ng nine markers at Yesha Rojo ng walong puntos upang punan ang pagkawala ni Dongallo na tinurukan ng platelet-rich plasma sa kanang braso.

“People stepped up with Casiey out. Our first six and second six soring-wise we did well. Set-wise we won three straight but I feel like we still has a lot more skills to stretch, to work with and improve,” ani UE deputy coach Doc Obet Vital.

Puntirya ng UE na walisin ang group stage sa pagharap nila sa University of Santo Tomas sa Oktubre 13.

Show comments