Semis pakay ng SMB sa Converge
MANILA, Philippines — Pipilitin ng San Miguel na tapusin ang serye, habang determinado ang Converge na makatabla at makahirit ng Game Five.
Magtutuos ang Beermen at FiberXers ngayong alas-7:30 ng gabi sa Game Four ng PBA Season 49 Governors’ Cup quarterfinals series sa Ninoy Aquino Stadium sa Malate, Manila.
Diniskaril ng Converge ang tangkang 3-0 sweep ng San Miguel matapos bumangon mula sa isang 27-point deficit sa third period para agawin ang 114-112 panalo tampok ang buzzer-beating jumper ni Alec Stockton.
Dumikit ang FiberXers sa 1-2 sa kanilang best-of-five quarterfinals showdown ng Beermen.
“Isa pa lang ito. It’s one of the three. It’s hard to beat that team three straight. But we will take it one game muna,” ani Converge coach Franco Atienza sa SMB.
Sa nasabing panalo ng FiberXers sinuspinde ng PBA Commissioner’s Office sina referees Peter Balao at Joel Baldago dahil sa itinawag na flagrant foul penalty one kay Stockton matapos sikuhin sa mukha si Beermen guard Kris Rosales.
Hindi napatalsik sa laro si Stockton na siyang pumukol ng game-winning shot.
Ang mananalo sa San Miguel at Converge ang lalaban sa Barangay Ginebra sa best-of-seven semifinals series.
Muling aasahan ng Beermen sina import EJ Anosike, eight-time PBA MVP June Mar Fajardo, CJ Perez, Terrence Romeo at Marcio Lassiter katapat sina Stockton, import Jalen Jones, Justine Arana, Bryan Santos at JL Delos Santos ng FiberXers.
Samantala, pag-aagawan ng Rain or Shine at Magnolia bukas sa Ynares Center sa Antipolo City ang karapatang sagupain ang TNT Tropang Giga sa semis.
Tabla sa 2-2 ang Elasto Painters at Hotshots sa kanilang quarterfinals duel.
- Latest