MANILA, Philippines — Umeskapo ang Lyceum of the Philippines University sa University of Perpetual Help System DALTA, 64-62, sa NCAA Season 100 men’s basketball tournament kahapon sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan City.
Kumonekta si Joshua Moralejo ng isang three-point shot sa huling 5.4 segundo ng fourth quarter para sa 63-62 abante ng Pirates patungo sa paglilista ng 4-4 record.
Kumamada si Renz Villegas ng 18 points, 5 rebounds, 3 assists at 7 steals para tapusin ang kanilang four-game losing slump.
Nahulog ang Altas sa kanilang ikalawang dikit na kabiguan para sa 4-4 baraha.
Ibinigay ni rookie Mark Gojo Cruz sa Perpetual ang 62-57 kalamangan sa huling 50.3 segundo ng laro bago nakadikit ang Lyceum sa 60-62 kasunod ang triple ni Moralejo na nagtaas sa kanila sa 63-62 sa nalalabing 5.4 segundo.
Sa unang laban, naglista si reigning MVP Clint Escamis ng 15 markers, 8 assists, 5 rebounds at 4 steals para tulungan ang Mapua University sa 77-71 paggiba sa Arellano University.
Umiskor din si Chris Hubilla ng 15 points habang may 10 markers si Cy Cuenco para sa 6-2 baraha ng Cardinals tampok ang three-game winning streak.
Pinamunuan ni Lorenz Capulong ang Chiefs, laglag sa 2-6 marka, sa kanyang 19 points at may 18 markers si Renzo Abiera.